Wednesday, September 2, 2009

Tanenglian lagot sa CHR

Magsasagawa ang Commission on Human Rights (CHR) ng masusing imbestigasyon ukol sa umano’y pisikal at mental na pang-aabuso na ipinataw ng Chinese billionaire na si Mariano Tanenglian sa kanyang kasambahay.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, pag-aaralan din ng CHR kung hihilingin sa Bureau of Immigration (BI) na maglabas ito ng hold-departure order laban sa suspect, ayon kay Atty. Carmelita Rosete, pinuno ng CHR Protection and Monitoring Division.

Ayon kay Rosete, sinsilip ng CHR ang anggulong paglabag sa karapatang pambata at child trafficking sa kaso ni Mary Jane Sollano, na nailigtas sa tahanan ni Tanenglian ng pinagsanib na puwersa ng CHR, Department of Social Welfare and Development at Quezon City Police District.

Nang ma-rescue, puro paltos ang mga kamay ni Sollano dahil sa mainit na tubig na ibinuhos umano ni Tanenglian.

Nagsampa na si Sollano ng kasong kriminal na maltreatment, serious illegal detention, slavery at frustrated homicide sa Department of Justice (DOJ) laban kay Tanenglian, sa asawa nitong si Aleta at mga anak na sina Maximillian at Fayette.

Sa kanyang tatlong pahinang affidavit, idinetalye ni Sollano kung paano siya dumanas ng pisikal at mental na pang-aabuso mula sa pamilyang Tanenglian sa kanilang tahanan sa Bgy. Siena sa Quexon City mula July 2004 hanggang Aug. 10.

Ayon kay Sollano, pinagbawalan siya at iba pang kasambahay na gumamit ng telepono, cellphone, tumawa, maupo sa upuan ng pamilya, tumingin sa labas ng bintana, manood ng TV, kumain ng anumang oras, matulog at magpahinga hanggang hindi natatapos ang trabaho, at magbasa ng anumang babasahin o magsulat.

Sa unang buwan niya sa trabaho, sinabi ni Sollano na nakaranas na siya agad ng pagmamaltrato mula sa pamilya Tanenglian.

Isinalaysay rin ni Sollano ang isang insidente kung saan dinala siya nina Aleta at Fayette sa isang kuwarto kung saan siya kinunan ng larawan na nakahubad.

Ayon pa kay Sollano, binuhusan ni Fayette ng mainit na tubig ang kanyang mga kamay matapos mahuling kinakain ang pagkain ng amo. Sa isa pang insidente, ikinadena umano ng mga amo ang kanyang mga kamay at leeg.

Source:
Police Files
Setyembre 1, 2009
Page 2

0 comments:

Post a Comment