Wednesday, September 2, 2009

Tsinoy iimbestigahan ng CHR

Magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights laban sa pamilyang Tsinoy na sinampahan ng kaso ng katulong na umano’y inalipin at minaltrato ng mga ito.

Ito ang nabatid kahapon ng pahayagang ito mula sa pamilya ng biktimang si Mary Jane Sollano, 18, tubong Zamboanga del Sur at naninirahan sa panulukan ng Biak na Bato at Dapitan Sts., Brgy. Siena, Quezon City.

Gagawin umano ito ng CHR batay sa kahilingan ng pamilya Sollano na mapalakas ang sumbong ng biktima laban kina Mariano, Aleta, Maximillian at Fayette Tanenglian at iba pa.

Nabatid na nakasampa na sa Department of Justice ang kasong pang-aalipin, pangmamaltrato, serious illegal detention at frustrated homicide laban sa mga Tanenglian sa tulong ng pulisya.

Ipinaliwanag ng pamilya Sollano ng magiging bantay nila ang CHR laban sa posibleng paggamit ng Tanenglian ng kanilang impluwensiya sa mga kinauukulan na may hawak sa kaso ng biktima.

Matatandaang nagging katulong si Mary Jane ng mga Tanenglian ng kung ilang taon simula noong 13 anyos pa lang siya at nasagip lang ito kamakailan ng pinagsanib na puwersa ng pulisya, CHR at Department of Social Welfare and Development.

Napag-alaman na habang nagsisilbing kasambahay ang biktima, nakaranas siya ng mga pagmamalupit at pananakit hanggang halos mamatay siya, pagkakadena, paggutom, pagbabawal sa kanya na makipag-ugnayan sa pamilya, pagkulong at pambabastos gaya ng pagkuha ng litrato sa kanya habang nagtatrabaho ng nakahubo’t hubad.

Wala pa umanong nakatitiyak kung ano ang kahihinatnan ng naturang kaso sa DOJ subalit hangad ng pamilya Sollano na susulong sa hukuman ang kaso upang makamit nila ang katarungan.

Source:
Remate
Setyembre 1, 2009
Page 5

0 comments:

Post a Comment