Thursday, September 3, 2009

Sampulan ang mga abusadong bigtime na bossing!

Tama ang desisyon ng Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang negosyanteng si Mariano Tanenglian na inireklamo ng kanyang atsay ng pananakit at pagmamalupit.

Karaniwan kasing kinakasuhan lamang ay ang mga ordinaryong mamamayan kapag sinaktan ang mga katulong pero ang mga multi-milyonaryo ay karaniwang nakatatakas sa pananagutan sa batas.

Nailigtas kasi ng pinagsanib na puwersa ng CHR, DSWD at QC Police ang biktimang si Mary Jane Sollano kung saan lapnos ang mga kamay nito makaraang buhusan ng mainit na tubig ng among si Tanenglian.

Isinampa ng biktima ang kasong kriminal sa kanyang amo kabilang ang maltreatment, serious illegal detention, slavery, at frustrated homicide sa DOJ kasama ang asawa at dalawa pang anak.

Sa isang affidavit, idinetalye ni Mary Jane ang pang-aabuso at pang-aalipin kung saan hindi siya pinagagamit ng telepono, ipinagbabawal sa kanya ang pagtawa, hiindi pinayagan na maupo sa upuan ng pamilya, bawal tumingin sa labas ng bintana, bawal manood ng TV, bawal magkukot ng pagkain anumang oras na gusto niya, bawal magbasa ng babasahin at bawal din ang magsulat.

Naganap ang pagmamaltrato mula pa noong Hulyo 2004 nang siya ay menor-de-edad pa lamang kung saan pinapirma siya ng ekstensiyon ng kontrata nang hindi niya naiintindihan kaya’t umabot siya ng mahigit limang taon sa pang-aabuso.

Ilan pa kayang Mary Jane ang patuloy na inaabuso ng malulupit na amo sa mga eksklusibong tirahan ng mga multi-milyonaryo sa ating bansa?
Ilan kaya?

Source:
Bulgar
Setyembre 2, 2009
Page 3

0 comments:

Post a Comment