Magsasagawa ang Commission on Human Rights (CHR) ng masusing imbestigasyon ukol sa umano’y pisikal at mental na pang-aabuso ng kapatid ni Chinese billionaire Lucio Tan na si Mariano Tanenglian sa kanyang kasambahay.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, pag-aaralan din ng CHR kung hihilingin sa Bureau of Immigration (BI) na maglabas ito ng hold departure order (HDO) laban sa suspek, ayon kay Atty. Carmelita Rosete, pinuno ng CHR Protection and Monitoring Division.
Ayon kay Rosete, sisisilip ng CHR ang anggulong paglabag sa karapatang pambata at child trafficking sa kaso ni Mary Jane Sollano, na nailigtas sa tahanan ni Tanenglian ng pinagsanib na pwersa ng CHR, Department of Social Welfare and Development at Quezon City Police District.
“Sollano was a minor when she was recruited five years ago, “ paliwanag ni Rosete.
Nang ma-rescue, puro paltos ang mga kamay ni Sollano dahil sa mainit na tubig na ibinuhos ni Tanenglian.
Nagsampa na si Sollano ng kasong kriminal na maltreatment, serious illegal detention, slavery at frustrated homicide sa Department of Justice (DOJ) laban kay Tanenglian, sa asawa nitong si Aletta at mga anak nilang sina Maximillian at Fayette.
Sa kanyang tatlong pahinang affidavit, idinetalye ni Sollano kung paano siya dumanas ng pisikal at mental na pang-aabuso mula sa pamilya Tanenglian sa kanilang tahanan sa Bgy. Siena sa Quezon City mula Hulyo 2004 hanggang Agosto 10, 2009.
Ayon kay Sollano, pinagbawalan siya at iba pang kasambahay na gumamit ng telepono, cellphone, tumawa, maupo sa mga upuan ng pamilya, tumingin sa labas ng bintana, manood ng TV, kumain anumang oras, matulog at magpahinga hanggang hindi natatapos ang trabaho, at magbasa ng anumang babasahin o magsulat.
Sa unang buwan niya sa trabaho, sinabi ni Sollano na nakarana na siya ng pagmamaltrato mula sa pamilya Tanenglian.
Sinubukan ni Sollano na magpaalam para makauwi na sa kanyang probinsya sa Zamboanga del Sur ngunit hindi siya pinayagan ng mga amo dahil sa kailangan niyang tapusin ang dalawang taong kontrata.
Nang matapos ang kanyang kontrata noong 2006, tumawag umano si Aleta sa isang abogado at sinabihan si Sollano na pumirma ng kontrata nang hindi binabasa ang nilalaman nito. Huli na nang malaman niyang pumirma siya sa panibagong dalawang taong kontrata para magsilbi sa pamilya Tanenglian.
Nakiusap si Sollano na payagan na siyang umalis ngunit sinabi ni Aleta na may babayaran pa siyang utang.
“I could not do anything but to just follow (them),” wika ni Sollano.
Source:
Bagong Tiktik
Setyembre 2, 2009
Page 2
0 comments:
Post a Comment