Saturday, August 29, 2009

Utol ni Lucio Tan kinasuhan ng maid

Pormal nang sinampahan ng mga kasong maltreatment, slavery, serious illegal detention at frustrated homicide sa Department of Justice ang kapatid ng business tycoon na si Lucio Tan dahil sa umano’y di-makataong turing nito sa kanyang katulong.

Pinanumpaan ng biktimang si Maryjane Sollano, 18, tubong Bigong Tigbao, Zamboanga del Sur, ang reklamo sa tanggapan ni State Prosecutor Edna Valenzuela.

Maliban kay Mariano Tanenglian, kapatid ni Lucio Tan, inasunto rin ni Sollano ang dalawang kapamilya ng amo na sina Aleta at Fayette Tanenglian, pawang mga residente ng 30 Biak na Bato corner Dapitan, Barangay Sto. Domingo, Quezon City at ilang Jane at John Does.

Ayon kay Al Parrenos, abogado ng biktima, limang taon umanong minaltrato, pinaghuhubad at hindi pinakakain nang tama ang biktima. Nagsimulang mamasukan ang biktima sa pamilya sa edad na 13.

Natuldukan lamang ang paghihirap ng biktima nang isa sa mga kasamahang katulong ay nakatakas at nagsumbong sa mga magulang ng biktima hinggil sal pagmamalupit ditto ng kanyang mga amo.

Bawal lahat
Ayon sa abogado, hindi pinalalabas ang biktima, hindi rin ito pinagagamit ng telepono o cellphone, at hindi pinapanood ng TV. Kahit makipag-ugnayan sa magulang ay hindi rin pwede sa biktima.

Idinagdag ni Parrenos na hindi pinapakain ang biktima at naisassalba lamang nito ang sarili sa pamamagitan ng pagnanakaw ng pagkain sa aso.

Bukod pa rito, ayon sa abogado, ay labis na paglapastangan pa ang ginawa umano sa biktima nang pagtrabahuhin ito nang nakahubad.

“Pinapasok ako nina Ate Aleta at Ate Fayette sa kwarto, pinahuhubad ako ng damit pag-itaas, shorts, bra, panty, tapos kinukuhanan nila ako ng picture,” ayon sa salaysay ng biktima.

Binawalan din ang biktima na tumawa, umupo sa upuan ng mga amo, sumilip sa bintana, magbasa at magsulat.

Naranasan din umano ni Sollano na sakalin, sampalin, tadyakan sa katawan, iuntog sa pader sa konting pagkakamali lamang sa trabaho kahit walang sweldo.

Nang magpaalam ay hindi siya pinayagan ng amo at bagkus ay pinilit na pumirma sa bagong kontrata bilang katulong.
Pagkain ng aso, kinain

Napag-alaman pa na nang magnakaw ang biktima ng pagkain sa aso at nahuli siya ng kanyang amo. Sa galit sa kanya ay binuhusan umano siya ng mainit na tubig sa kamay. Hindi pa nakuntento ay tinadyakan siya sa katawn, sinabunutan, kinadena ang dalawang kamay patalikod, at kinadena pati leeg.

Nasagip lamang ang biktima noong Agosto 10 sa tulong ng Department of Social Welfare and Development, Commission on Human Rights at La Loma Police Station.

Plano ring sampahan ng kasong bribery ang pamilya dahil sa ginawang panunuhol sa mga awtoridad na rumesponde sa katulong.

Source:
Bandera
August 28, 2009
Page 2

0 comments:

Post a Comment